Manila, Philippines – Nagkakaisang binatikos ng mga senador ang ginawang pagbasura ng Department of Justice o DOJ panel sa drug case nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa.
Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, isa itong lamat sa kredibilidad sa mga programa at anti-drugs operations ng mga otoridad.
Maging si Senate Majority Leade Tito Sotto III ay hindi maintindihan ang naging pasya ng DOJ panel na posibleng makaapekto sa pagusig laban sa mga sangkot sa illegal drugs.
Ikinagulat ito ni Senator Win Gatchalian na nagsabing sa halip na magturuan ay dapat magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan para makamit ang isang lipunan na ligtas at malinis mula sa illegal drugs.
Umaasa naman si Senator Panfilo Ping Lacson na babaliktarin ito ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil malinaw sa pagdinig ng Senado na may probable cause o basehan ang kaso laban kay Kerwin Espinosa.
Nagtataka din si Senator Grace Poe kung paano naabswelto si Espinosa gayong inamin at ikinwento nito mismo ang pagkakasangkot niya sa illegal drug trade.
Sabi naman ni Senator JV Ejercito, maaring magdulot ito ng kalituhan o mixed signals sa kaseryosohan ng kampanya ng duterte administration laban sa iligal na droga.
Umaasa si Ejercito ma na itutuloy ng DOJ ang pagkalap ng mas matinding pang mga ebidensya laban sa mga personalidad na sangkot sa iligal na droga.
Apela naman ni Senator Joel Villanueva, dapat maging maingat ang gobyerno para matiyak na hindi makakalusot ang mga nasa likod ng illegal drug trade.
Si Senator Richard Gordon, bagamat abot-abot ang pagkondena dito ay umaasa naman na may mainam na plano ang DOJ para gamitin sina Kerwin at Lim sa mas malalaki pang kasong may kaugnayan sa illegal drugs.
Buo naman ang paniniwala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na may alam dito si Secretary Aguirre.
Sabi naman ni Senator Antonio Trillanes IV, patunay ito na peke ang drug war na ikinasa ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan kapag mahirap ay pinapatay agad habang ang mga drug lords at kumpare ng Pangulo ay abswelto sa kaso.
Tanong naman ni Senator Bam Aquino, ano pa ang halaga ng pagpatay sa libo-libung mga Pilipino na sangkot sa iligal na droga kung pakakawalan ang mismong pinagmumulan ng droga.
Diin naman ni Liberal Party President Senator Kiko Pangilinan, senyales ng awtoritaryanismo ang pagpapalaya ng administrasyon sa mga kakampi at pag-usig sa mga kritiko.