Dumipensa ang Transport Network Company (TNC) na Grab Philippines matapos umani ng reklamo sa mga pasahero sa maliit na natanggap na refund.
Matatandaang higit 19 Million Pesos ang kabuoang multang ipinataw ng Philippine Competition Commission dahil sa paglampas sa itinakdang limit ng pasahe mula Pebrero hanggang Agosto nitong 2019.
Ayon kay Grab Country Manager Brian Cu, ang matatanggap na refund ay depende kung gaano kadalas ginagamit ng user ang kanilang serbisyo.
Sinabi ni Cu, na handa silang humarap sa imbestigasyon ng kongreso at iginiit na hindi sila nag-overcharge sa pamasahe.
Makakatanggap ng Pisong refund ang user kapag umabot ng 1,200 Pesos ang kabuoang nagastos na pasahe mula February 10 hanggang May 10, 2019.
Nasa piso ang refund kada 450 Pesos na pasahe mula nitong May 11 hanggang August 10, 2019.
Samantala, tiniyak ng Philippine Competition Commission (PCC) na beberipikahin nila kung tama ang ipinapatupad na refund sa mga pasahero ng Grab.