Kumpanyang may business address na “Manila, P.R of China”, pinaiimbestigahan na sa NBI; Online stores na nagtitinda ng nasabing produkto, binalaan ni Mayor Isko

Pinaiimbestigahan na ni Manila City Mayor Isko Moreno sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Elegant Fumes Beauty Products Inc.

Kasunod ito ng pagpapasara ng lokal na pamahalaan sa operasyon ng nasabing kompanya matapos makita sa packaging ng mga produkto nito na ang address nito sa Binondo, Maynila ay probinsya ng China.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng alkalde na sumulat na siya kay NBI Director Eric Distor kung saan hiniling nito na imbestigahan ang Elegant Fumes at maghain ng criminal complaints laban dito.


Aniya, ang kompanya ay lumabag sa ilang probisyon sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines at sa Food and Drug Administration Act of 2009 habang nagbebenta rin ito ng mga produktong walang kaukulang permit.

Giit ng alkalde, welcome sa Maynila ang mga foreign national pero dapat silang sumunod sa batas ng bansa.

Una rito, hiniling din ni Moreno sa Bureau of Immigration na maipa-deport ang may-ari ng kompanya na sina Shi Zhong Xing at Shi Li Li.

Samantala, nagbabala rin ang alkalde sa mga seller sa mga online store na maaari silang mapanagot sa pagbebenta ng mga produkto ng Elegant Fumes.

Facebook Comments