KUMPIRMADO │Sindikato sa road right to way, matagal nang nag-o-operate – DOJ

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na matagal na ang ginagawang transaksyon ng sindikatong nasa likod ng road right to way scam sa Mindanao.

Sinabi ni Aguirre na sa katunayan bago pa man ibinunyag sa Department of Justice (DOJ) ng whistleblower na si Roberto Catapang ang nasabing scam ay may ilang Mindanao congressman na ang nag-timbre nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hulyo aniya ng taong ito iniabot kay Aguirre ni House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ng South Cotabato ang sulat na naglalaman ng report ng scam.


Sa nasabing liham, hiniling ng mga mambabatas kina Public Works Secretary Mark Villar at DPWH-Region XII Officer-in-Charge Basir Ibrahim na ipitin muna ang pagpapalabas ng claim o bayad para sa mga right of way claims sa Region 12.

Kasama sa mga lumagda sa liham sina Hernandez, Deputy Speaker Bai Sandra Sema, at Congressmen Jesus Sacdalan, Nancy Catamco, Jose Tejada, Pedro Acharon Jr, Suharto Mangudadatu, Horacio Suansing Jr. at Rogelio Pacquiao na mula sa mga lalawigan ng South Cotabato, Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani Province.

Facebook Comments