KUMPIRMADO | AFP, nagpaliwanag sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao

Manila, Philippines – Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kabilang ang karahasan ng New People’s Army (NPA) partikular sa Eastern Mindanao ang dahilan ng kanilang rekomendasyong pagpapalawig pa ng Martial Law sa buong Mindanao.

Sa bangon Marawi briefing, sinabi ni AFP Spokesman Major Gen. Restituto Padilla na habang abala ang tropa ng pamahalaan sa paglaban ng ISIS Maute Group sa Marawi City at sa Central Mindanao, naging agresibo naman ang NPA sa kanilang pag-atake sa Eastern Mindanao.

Ayon kay Gen. Padilla, aasahan pa ang mas marahas na pagkilos ng NPA matapos kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks at ideklara silang mga terorista.


Nabatid na patuloy din ang recruitment ng mga natitirang ISIS-Maute terrorists ng mga bagong miyembro kung saan maliban sa alok na malaking halaga ng pera, tina-target ng mga terorista ang mga naulila ng mga napatay sa Marawi City at mga kabataang madali nilang nalilinlang.

Inihayag ni Padilla na ayaw nilang muling makaporma ang ISIS para sa panibagong pag-atake at nais din nilang masawata ang mga karahasan ng NPA kaya kina-kailangan pang panatilihin ang Martial Law sa Mindanao.

Facebook Comments