Kumpirmasyon ni DAR Secretary Ka Paeng Mariano, dedesisyunan ngayong araw ng Commission on Appointments

Manila, Philippines – Inaasahang ngayong araw ay magsasagawa ng executive session ang mga miyembro ng Commission on Appointments o CA Committee on Agrarian Reform na pinamumunuan ni Senator Tito Sotto para pagbotohan ang kumpirmasyon ni DAR Secretary Rafael Ka Paeng Mariano.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ikatlong confirmation hearing para kay Mariano kung saan sinasagot nito ang mga tanong ng mga senador at kongresista na miyembro ng CA.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Mariano na ginagawa niya ang lahat para magampanang mabuti ang kanyang tungkulin kung saan pinalakas din niya ang pakikipag-ugnayan ng DAR sa lahat ng stakeholders.


Tiniyak din ni Mariano ang paglalatag ng mas maraming programa para sa mga magsasaka, ilan lamang dito ang scholarship para samga kabataang mag-eenroll sa mga agriculture related courses sa kolehiyo at ang pagkakaroon ng DAR ng farm business schools.

Pero si Occidental Mindoro Representative Josephine Sato, nagpahayag ng pagkabahala sa pagpapatupad ni Mariano sa Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP matapos nitong aminin na huwad o depektibo ang ilang probisyon ng batas.

Inamin din ni Congresswoman Sato na inaaral niya kung pabor ba sa gobyerno ang mga paninindigan ni Secretary Mariano.

Pagtiyak naman ni Secretary Mariano, hindi niya kailanman susuportahan ang anumang iligal na aktibidad ng mga organisasyon o samahan ng mga magsasaka at benepisaryo ng agrarian reform.

Una rito ay mariing itinanggi ni Mariano ang intelligence report na sangkot siya sa pag-atake ng New People’s Army o NPA sa pasilidad ng Lapanday Foods Corp sa Davao City noong buwan ng Abril.

Si Senator Loren Legarda, inendorso ang kumpirmasyon ni Mariano sa DAR dahil sa pagiging competent at pagkakaroon ng hindi matatawarang karanasan nito sa sektor ng agrikultura.

Facebook Comments