Kumpirmasyon ni Perfecto Yasay bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs – ibinasura ng Commission on Appointments

Manila, Philippines – Tuluyan nang ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay.
 
Sa isinagawang botohan, 15 miyembro ng CA Foreign Relation Committee ang bumotong pabor na ma-reject ang appointment ni Yasay bilang kalihim ng DFA.
 
Sa plenary session ng CA kanina, inisa-isa ni CA Foreign Relation Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson ang mga dahilan ng pag-reject sa kumpirmasyon ng kalihim.
 
Una rito, inamin ni Yasay na November 1986 nang na-isyuhan siya ng US passport at dito rin niya nakuha ang kanyang US naturalization certificate.
 
Pero aniya, ibinasura niya ang kanyang citizenship dahil nagdesisyon siyang bumalik at manatili sa Pilipinas matapos mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
 
Gayunpaman, pinagtibay pa rin sa plenaryo ng CA ang pagbasura sa appointment ni Yasay.
 
Si Yasay ang kauna-unahang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakalusot sa CA.

Facebook Comments