Caloocan City – Nasa P54.4-milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng PDEA, NCRPO-Regional Drug Enforcement Unit at Caloocan City Police sa ikinasa nilang buy-bust operation sa parking lot ng victory mall sa Grace Park, Caloocan City.
Kabilang sa nasabat ang walong malalaking zip lock na naglalaman ng tig-iisang kilo ng shabu; P5,000,000 marked money; mga deposits slip at isang puting Mirage 4-door Sedan na ginagamit ng mga suspek sa pagde-deliver ng iligal na droga.
Naaresto naman sa operasyon ang tatlong suspek na sina Nasrudin Mantikayan alyas “Buts”, Ibrahim Hassan at Ampal Pala.
Sa imbestigasyon ng NCRPO-RDEU, napag-alaman na residente ng Zamboanga del Sur, Maguindanao at Cotabato ang mga suspek na nag-ooperate sa Calabarzon at Metro Manila.
Halos apat na buwang minanmanan ng mga otoridad ang tatlo bago ikinasa ang operasyon.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.