KUMPISKADO | Negosyanteng may mga hindi lisensiyadong baril at pampasabog, arestado

Pasay City – Arestado ang isang negosyante matapos makuhanan ng mga hindi lisensiyadong baril at pampasabog sa kaniyang bahay sa Pasay City.

Bitbit ang search warrant, pinasok ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Special Operations Unit ang bahay ni Romeo Madaje, 55-anyos, sa Barangay 77.

Nakuha ang dalawang baril, mga bala at isang granada sa isang locker ng suspek na kinailangan pang lagariin at martilyuhin para mabuksan.


Ayon sa pulisya, ikinasa nila ang paghahalughog matapos makatanggap ng sumbong na mayroong mga hindi lisensiyadong baril si Madaje.

Depensa naman ng suspek, ginagamit lang niya ang mga baril para sa proteksiyon.

Posible rin daw na tinaniman siya ng kaniyang asawa ng granada dahil sa kanilang hindi pagkakaunawaan.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang suspek sa gunrunning o ilegal na pagbebenta ng mga armas.

Nahaharap si Madaje sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Facebook Comments