
Naniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling lumalakas ang tiwala ng mga dayuhang negosyante na mag-invest sa Pilipinas, dahil sa aksyon ng pamahalan laban sa korapsyon.
Kasunod ito ng pahayag ng American businessman na si Salvador Ahumada, CEO ng ACEIS Company sa Bangkok, Thailand, na handa siyang mamuhunan sa Pilipinas sa kabila ng mga isyung kinahaharap nito.
Sa press briefing sa South Korea, sinabi ni Pangulong Marcos na patunay ang pahayag ng businessman na hindi nila alintana ang isyu ng korapsyon.
Ayon sa Pangulo, ang paglilinis sa gobyerno at pagtutok sa transparency ang mismong dahilan kung bakit mas kampante ang mga foreign investors.
Giit niya, hindi problema ang pagkakaroon ng suliranin dahil ang mahalaga ay may kongkretong aksyon ang pamahalaan para tugunan ito.
Dagdag pa ng Pangulo, ang pagtutok sa reporma at integridad ng pamahalaan ay malinaw na senyales na seryoso ang gobyerno sa pagpapatatag ng ekonomiya at pagprotekta sa pondo ng bayan.









