Iginiit ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilantad ang kumpletong listahan ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na binigyan nito ng lisensya at accreditation.
Kasabay nito ay hiniling din ni Barbers kay PAGCOR Chairman-CEO Alejandro Tengco na mahigpit na makipagtulungan sa Kongreso para naman sa pagsasapubliko ng lahat ng POGO na nag-o-operate ng walang lisensya.
Panawagan ito ni Barbers, makaraang ihayag ni Tengco na isang dating opisyal ng gabinete ang tumrabaho at gumamit ng impluwensya para mabigyan ng lisensya ang mga POGO sa ilalim ng nakaraang adminitrasyon.
Ayon kay Barbers, ang mga ilegal na POGO ay naging “one stop shop” na ng iba’t ibang uri ng krimen tulad ng money laundering, drug trafficking, human trafficking, pagprotekta sa mga sindikado na nagsasagwa ng pagpatay, pagdukot, torture, rape at may koneksyon din sa pulitika sa bansa.
Nangangamba si Barbers na kapag hinayaang magpatuloy ang operasyon ng mga ilegal na POGO ay tiyak kakainin tayo ng taglay nitong corrupt and criminal system.
Diin ni Barbers, ang POGO ay isang sumpa na dapat maalis sa ating sistema bago pa nito maibagsak ang ating lipunan.