Umaasa si Assistant Majority Leader Precious Hipolito-Castelo na tataas ang kumpyansa ng mga Pilipino sa COVID-19 vaccines bunsod na rin ng donasyong bakuna ng US sa Pilipinas.
Tinukoy ng lady solon ang isang survey na isinagawa kamakailan lamang kung saan mas pinipili ng mga Pilipino ang COVID-19 vaccines na gawa ng US at iba pang western manufacturers.
Dahil dito ay naniniwala si Castelo na mas mahihikayat na ngayon ng gobyerno ang maraming nag-aalangang Pilipino na magpabakuna dahil sa vaccines na mula sa Estados Unidos.
Batay sa mga report, magbibigay ng 80 million doses ng AstraZeneca at 500 million doses ng Pfizer ang Estados Unidos sa mga mahihirap at developing na bansa sa pamamagitan ng vaccine sharing facility ng World Health Organization (WHO).
Hinimok naman ni Castelo ang mga Pilipino na kunin na ang anumang available na bakuna dahil ito ang pinakamainam na proteksyon laban sa COVID-19.
Umapela rin ang mambabatas sa mamamayan na patuloy na magbantay at sumunod sa basic health protocols anuman ang bakunang natanggap lalo’t posible pa ring magkasakit kahit nabakunahan na.