Kung ‘di pa babalik sa ere: ABS-CBN posibleng magtanggal ng mga empleyado

May posibilidad na magpatupad ng retrenchment ang ABS-CBN Broadcasting Corporation sa darating na Agosto kapag hindi pa rin ito naibalik sa himpapawid.

Inihayag ni ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak ang maaring kahinatnan ng kanilang mga empleyado sa pagdinig ng Senado tungkol sa prangkisa ng kompanya nitong Martes.

“We continue to lose a substantial amount of money every month and I’m afraid that if we cannot get back on air soon, by August, we may already have to consider beginning a retrenchment process,” anang Katigbak.


Nang tumigil ang broadcasting operation ng istasyon noong Mayo 5, sinabi noon ng pamunuan na hindi mawawalan ng trabaho ang mga apektadong manggagawa sa loob ng tatlong buwan.

“We felt it would be very, very painful to put our employees out on the street without them having an idea as to how they can continue earning a living and continue to feed their families,”

“But unfortunately, we cannot make that commitment open-ended because we are also limited by financial constraints. ” pagpapatuloy ni Katigbak.

Matatandaang naglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa media network noong Mayo 5 matapos mapaso ang prangkisa nito.

Sa ilalim ng kautusan, kailangan huminto muna sa paghihimpawid ang lahat ng TV at radio station ng ABS-CBN sa buong Pilipinas habang wala pang balidong lisensya.

Hanggang ngayon ay tinatalakay sa Kongreso ang panukalang magpapalawig sana sa prangkisa ng himpilan.

Facebook Comments