Nagbanta ang isang grupo ng jeepney transport na susunugin ang kanilang unit kung hindi pa rin sila pahihintulutan ng gobyerno na makabalik sa lansangan ngayong panahon ng pandemya.
Giit ni Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), nangangamba silang ipa-phaseout ng pamahalaan ang mga tradisyunal na jeep, na mahigit tatlong buwan nang tigil-operasyon bunsod ng ipinatupad na precautionary measures laban sa COVID-19.
Simula nang umiral ang general community quarantine sa Metro Manila, tanging modern jeepneys lamang ang pinayagang makapasada na ikinadismaya ng husto ng organisasyon.
Binobola lamang din umano sila ng gobyerno sa kabila ng kaliwa’t-kanang apela at panawagan.
“Okay lang naman na kami ang mahuli [na payagan bumiyahe], basta bigyan kami ng pagkakataon na kami ay makalabas [para sa byahe]. Pero pinaiikot-ikot kami. Ang sabi kung kulang ang sasakyan, ang serbisyo namin ang susuporta, pero lahat ng ruta ng jeep na tinatakbuhan na namin, nilalagyan na nila ng bus at modern jeep. Ano pang mangyayari sa amin?,” saad ni De Luna sa isang panayam.
“Talagang sinabi natin ‘yan [na susunugin na lang namin ang aming mga jeep]. Huling hirit naman iyon, kung patuloy na babalewalain ang mga traditional jeepney, ibabalagbag namin ito sa gitna ng kalsada,” pagpapatuloy niya.
Matatandaang nabatid noon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na walang magaganap na phase out sa hanay ng mga tradisyonal na jeepney.