
Malaking hamon pa rin sa gobyerno ang pagpapanumbalik ng kuryente sa Visayas at Mindanao matapos ang hagupit ng Bagyong Tino.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Asec. Rafaelito Alejandro, na halos 30% pa lamang ng power restoration efforts ng Department of Energy (DOE) ang natatapos sa mga apektadong lugar.
Marami pa rin aniyang critical areas ang umaasa sa generator sets dahil hindi pa naibabalik ang regular na suplay ng kuryente.
Ayon kay Alejandro, karaniwang inaabot ng tatlo hanggang apat na araw ang pagkukumpuni ng mga linya, pero sa mga lugar na lubhang sinalanta ng bagyo, maaaring umabot pa ito ng isang linggo.
Sa linya naman ng komunikasyon, putol-putol pa rin ang signal sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Wala na aniyang mga ganap na isolated areas, ngunit may mga lugar pa ring hirap maabot dahil sa mga kalsadang barado ng debris at iba pang sagabal, kaya’t tuloy-tuloy pa rin ang clearing operations ng mga awtoridad.









