Sumuko sa tropa ng 10th Infantry Division ng Philippine Army ang isang bomb expert at isang nagsisilbing sniper ng New Peoples Army (NPA) sa New Bataan Compostela Valley.
Kinilala ang mga ito sa alyas Randy ang bomb expert at trainor sa paggawa ng Improvised Explosive Device (IED) sa kanyang mga kasamahan at alyas Richard ang nagsisilbing sniper na responsable sa paggamit ng sniper rifles sa mga naganap na engkwentro sa pagitan ng militar sa lugar at nagsasanay rin sa kanyang kapwa mga rebelde para maging sniper.
Sila ay mga miyembro ng Guerilla Front 25 ng New Peoples Army (NPA).
Ayon kay Captain Rodel Bacani ng 66th Infantry Batallion ng Philippine Army, sumuko ang dalawa dahil sa takot na mamatay dahil sa walang tigil na operasyon ng militar laban sa kanila.
Sa interogasyon sa dalawa, inamin nilang may ibinaon silang dalawang motorsiklo na kanilang ginagamit sa pagtatanim ng IED ginawa nila ito batay sa utos ng kanilang dating lider na si alyas Cyclone.
Agad itong hinukay ng mga sundalo at ngayon ay nasa kanilang kustodiya na.
Ginamit raw ito ng mga rebelde sa pambobomba sa Colapugon detachment sa Barangay Maparat kamakailan.
Patuloy naman ang panawagan ng militar sa mga rebelde na sumuko na lamang at magbagong buhay.