Caloocan City – Mananatili sa kustodiya ng San Roque Cathedral sa Caloocan City ang menor de edad na testigo sa kontrobersiyal na pagkamatay ni Kian Delos Santos.
Ito ang nilinaw ni Caloocan Bishop Pablo David sa isinagawang press briefing kaugnay sa pakikipagpulong sa kanya ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at Criminal Investigation and Detection Group o CIDG kasama ang ama ng testigo na si Roy Concepcion.
Aniya, kasama ng menor de edad ang lima pang mga kapatid na humingi ng tulong mula sa simbahang Katolika.
Balak pa noong una ni Concepcion na bawiin mula sa kustodiya ng simbahan ang kanyang mga anak pero nang lumaon ay mas pinili nitong manatili ang mga anak sa proteksyon ng simbahan.
Muli namang binatikos ng obispo ang mga sunod-sunod na patayan kaugnay sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.