Kustodiya ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, nailipat na sa Bureau of Immigration!

Nai-turn over na ng Bureau of Corrections sa Bureau of Immigration ang kustodiya ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Gayunman, mananatili pa rin sa JUSMAG facility sa Camp Aguinaldo sa Quezon City si Pemberton kung saan ang mga tauhan na ng immigration ang magbabantay sa kanya hanggang sa matapos ang proseso ng deportation nito.

Ayon sa abogado ni Pemberton na si Atty. Rowena Flores, kukuhanan ng fingerprints at litrato ang US marine ngayong araw para sa kanyang clearance.


Bukod rito, hinihintay na rin nila ang resulta ng COVID-19 swab test na isinagawa kay Pemberton.

Kapag nakumpleto na ang mga kinakailangang dokumento ay maaari na aniyang dalhin sa airport si Pemberton at i-turnover sa US Embassy.

Samantala sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Integrated Bar of the Philippines President Domingo Ego Cayosa na hindi maaaring kwestyonin ang pardoning power ni Pangulong Rodrigo Duterte maliban na lamang kung may pag-abuso ito sa kapangyarihan.

Ayon kay Cayosa, may matibay na dahilan si Pangulong Duterte kung bakit niya pinagkalooban si Pemberton ng absolute pardon.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may kinalaman sa bakuna para sa COVID-19 ang ginawang pagpapalaya kay Pemberton ng Pangulo, bagay na itinanggi naman ng Department of Foreign Affairs.

Facebook Comments