KUTA NG NPA, NAKUBKOB NG MILITAR MATAPOS ANG SAGUPAAN SA KALINGA

Cauayan City, Isabela- Nakubkob ng tropa ng 50th Infantry Battalion ang kampo ng mga nakalabang bandidong grupo sa Barangay Bagtayan, Pasil, Kalinga.

Matatandaan nitong ika-13 ng Nobyembre 2021 ng umaga, nagkasagupa sa nasabing lugar ang tropa ng 50IB at mahigit kumulang 15 miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagresulta sa pagkamatay ng isang (1) rebelde.

Matapos ang 35 minutong bakbakan, umatras sa kanilang pinag pwestuhan ang mga nakalabang rebelde hanggang sa makubkob na ng tropa ang kampo ng mga NPA.


Narekober sa kuta ng mga NPA ang isang M16 rifle, dalawang (2) magazine, mga bala ng 5.56mm, isang bandolier, transistor radio at iba’t-ibang mga gamit ng NPA.

Kaugnay nito, naipasakamay na sa pamilya ang bangkay ng namatay na NPA na kinilalang si Julio Dumalyong alyas ‘Poli’ ng Brgy. Tanglag, Lubuagan, Kalinga.

Pinasalamatan naman ni LtCol Melanio E Somera, Commanding Officer ng 50IB ang mga residente sa lugar sa kanilang suporta sa kampanyang kontra-insurhensya ng pamahalaan.

Pinuri naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang hanay ng 50IB sa isa nanamang malaking accomplishment laban sa mga makakaliwang grupo.

Facebook Comments