KUTOB | Pagkwestsyon sa kredibilidad ng anti-drugs campaign ng PNP, bahagi ng destabilisasyon laban sa Pangulo

Manila, Philippines – May kutob si Solicitor General Jose Calida na bahagi ng destabilisasyon laban sa Duterte administration ang dalawang petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa ligalidad ng anti-drugs campaign ng Philippine National Police (PNP).

Ang pahayag ay ginawa ni Calida sa kanyang opening statement sa ikalawang araw ng oral arguments sa Supreme Court.

Ayon kay Calida, malinaw din na panghihimasok sa operasyon ng Executive branch at paglabag sa doktrina ng separation of powers ang nasabing mga petisyon.


Tila pagdikta din ito sa PNP at DILG na suwayin ang Executive branch sa mandato nilang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Nagbabala rin si Calida na kapag pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ng petitioners, malalagay sa alanganin ang national security at posibleng mauwi ito sa constitutional crisis.

Sa pagtatanong naman kay PNP Chief Ronald dela Rosa ni Justice Marvic Leonen kung may direktiba ba ito sa mga pulis na patayin ang mga nagtutulak ng iligal na droga, nilinaw ni Dela Rosa na kailanman ay wala siyang ganitong direktiba maliban na lamang kung manlalaban ang subject.

Facebook Comments