Naniniwala si Liberal Party President and Albay First District Rep. Edcel Lagman na hindi umaayon sa itinatakda ng Konstitusyon ang pagsisingit ng Bicameral Conference Committee ng P449.5 billion na unprogrammed funds sa 2024 General Appropriations Act.
Punto ni Lagman, somobra ito sa P281.9 billion na orihinal na inirekomenda ng ehekutibo sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.
Ginawa ni Lagman ang pahayag makaraang maging epektibo na nitong January 1, 2024 ang Pambansang Budget na nagkakahalaga ng 5.768 trillion pesos kung saan nakasingit ang nasabing unprogrammed funds na hindi ivineto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Lagman, base sa Article 6 Section 25 Paragraph 1 ng Saligang Batas, hindi maaaring taasan ng Kongreso ang budget na inirekomenda ng ehekutibo sa ilalim ng NEP.
Bunsod nito ay iginiit ni Lagman, na mas makabubuting iakyat sa Kataas-taasang Hukuman ang usapin para malinis ang depekto ng GAA at magabayan ang Kongreso at Pangulo sa pagbalangkas ng pambansang budget sa hinaharap.