Kwestiyonableng resolusyon sa kasong estafa laban sa gaming tycoon, ipinasasantabi sa DOJ

Manila, Philippines – Naghain na ng mosyon sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated para hilinging baligtarin ang resolusyon ng Paranaque City Prosecutors Office na nagbabasura sa kasong estafa laban kay Japanese gaming tycoon Kazuo Okada at para usigin sa korte ang dayuhang respondent.

Sa dalawang hiwalay na mosyon, iginiit ng Tiger Resorts na nalabag ang kanilang constitutional rights to due process nang dahil sa pagbasura ng piskalya sa Paranaque sa kanilang reklamo at dahil sa maagang pagpapalabas ng kopya ng resolusyon sa indibidwal na hindi naman partido sa kaso.

Naniniwala rin ang Tiger Resorts na may naging administratibong paglabag sa premature leakage ng kopya ng resolusyon.


Nang dahil din anila sa leakage ay seryosong nalagay sa alanganin ang kredibilidad, independence at integridad ng kinukuwestiyong resolusyon ni Paranaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.

Maituturing anilang smoking gun ang nag-leak na resolusyon at ito ay indikasyon na maaring may naganap na iregularidad sa piskalya ng Paranaque.

Naniniwala ang Tiger Resorts na hindi na bago kung isasantabi ng DOJ ang kwestiyonableng resolusyon sa kaso ni Okada dahil nauna na nitong isinantabi ang resolusyon noon sa kasong inihain ng PNP-CIDG laban kina suspected drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.

Nag-ugat ang reklamo dahil sa sinasabing paglustay ni Okada sa mahigit sampung milyong dolyar na pondong pag-aari ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at June 2017.

Facebook Comments