Pinayuhan ng kampo ni Vice President Leni Robredo si Senator Imee Marcos na sinasabing nasa likod ng insertion ng isang probisyon na nagwe-waive ng election procurement safeguards sa ilalim ng panukalang 2021 National Budget.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni VP Robredo, na dapat direktang sagutin ni Marcos ang alegasyon.
Aniya, binubuksan ni Marcos ang pintuan para sa korapsyon at dayaan sa darating na halalan.
Dagdag pa ni Gutierrez, dapat harapin ni Marcos ang alegasyon upang malinis ang kanyang pangalan kung siya ay inosente.
Sakaling totoo ang alegasyon, napaka-‘ironic’ para kay Marcos na gawin ito lalo na at siya ang Chairperson ng Senate Electoral Reforms Committee.
Una nang ibinunyag ng election lawyer na si Atty. Emil Maranon III na ang nasabing probisyon ay nagbibigay sa Commission on Elections (COMELEC) ng “carte blanche authority” para i-waive ang procurement guidelines sa pagbili ng mga kagamitan at software na gagamitin para sa 2022 elections.