Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na ang kwestyunableng “People’s Initiative” na isinusulong ng Kamara ay direktang pag-atake sa checks and balances at Bicameralism na layong maiwasan sana ang pag-abuso ng Kongreso sa kapangyarihan nito.
Sa privilege speech ni Estrada, sinabi nitong ang pagtatangka na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative kung saan isinusulong ang “voting jointly” ng dalawang kapulungan ay nagpapahina sa 24 na boto ng Senado kontra sa mahigit 300 boto ng Kamara.
Punto ng senador, ang ideya na ‘voting jointly’ ang Kongreso ay nagpapawalang saysay sa bicameral system at hindi lang ito insulto sa Senado bilang institusyon kundi ito rin ay pagtataksil sa tiwala ng taumbayan na iniatang sa kanilang mga senador.
Tiniyak ni Estrada na anumang balak na maliitin ang independence at integridad ng Senado ay mariing tututulan at hindi nila mapapayagan ang pagmamaniobra sa isa sa mga pundasyon ng demokratikong sistema.
Sinuportahan ito ni Senator Pia Cayetano at sinabing mula pa noong 1935 ay nakagawian na ang hiwalay na botohan at palaging may bicameral conference ang mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.
Ginawa ng mga senador ang kanilang pahayag kasunod na rin ng inilabas na manifesto na nilagdaan ng 24 na senador na tumututol at kumukundena sa People’s Initiative para sa Cha-cha.