Inihayag ni Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles na tuloy pa rin ng laban ng Pilipinas kontra COVID-19 tatlong linggo matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Ayon kay Nograles, may mga nagtatanong sa kanya kung nasaan na ang bansa sa kampanya laban sa COVID-19.
Sagot niya, tuloy at tuloy pa rin ang laban at ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng paraan para malampasan ang krisis na ito.
Kasabay nito, sinabi ni Nograles na pwedeng magpatupad ang Local Government Units (LGUs) ng community quarantine sa Visayas at Mindanao kung kinakailangan.
Kailangan lang, aniyang, makipag-ugnayan ang mga ito sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Health (DOH) hinggil sa kanilang magiging desisyon.
Samantala, naniniwala si Joint Task Force COVID-19 Shield Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar na sapat na ang kanilang pwersa at hindi na kakailanganin pang magdagdag ng mga pulis mula Visayas at Mindanao habang umiiral ang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Mayroon, aniyang, 58,000 police officers ang kasalukuyang naka-deploy sa Luzon at iba pang 50,000 ang nakareserba para sa operasyon.
Dagdag pa nito, ibinibigay ng din sa mga ito ang protective equipment kagaya ng face masks, gloves at iba pang mahahalagang operational needs.