Nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ang Executive Order na nagbabawal sa illegal contracting at subcontracting, nito lamang Martes, May 1, 2018. Kaugnay ng kanyang pagpirma sa nasabing Executive Order ay inulan ng batikos ang palasyo mula sa mga partylist representatives, mga militante, pati na sa mga netizens. Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate, dapat daw ay pumirma ang Pangulo ng isang ordinansa na nagbabawal sa anomang uri ng kontraktwalisasyon. Dagdag pa niya ay pinirmahan lamang ito ni PDU30 upang pahupain ang galit at tensyon sa mga militante kontra administrasyon.
Para naman sa mga militanteng raliyista, sigaw nila ay ang permanenteng pagka-wala ng kontraktwalisasyon. Sa mga netizens naman, ilan sa kanila ay nagpahayag ng hinaing at pagkadismaya. Reaksyon ng iba ay sinabing huwag na raw mangako ang mga politiko kung hindi kayang gawin. Bagama’t ganoon, marami pa rin ang nananatili at sumusuporta sa adhikain ng Pangulo at ng kanyang administrasyon.
Sabi ng ilang netizens ay bigyang-pagkakataon ang gobyerno na patunayan ang kanilang mga panukala. Kaugnay ng samu’t-saring reaksyon na ito ay nagpahayag si Senate Labor Committe Chair Joel Villanueva na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang tuluyang mabura ang mapang-abusong pagtrato sa mga manggagawang Pilipino, kasabay ng pagpuksa sa endo at kontraktuwalisasyon.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton