
Ipinagpatuloy ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang pinaigting nitong kampanya laban sa kriminalidad matapos makapagtala ng sunod-sunod na tagumpay sa isinagawang operasyon mula Marso 16 hanggang 22, 2026.
Sa ulat mula sa kampo ng pulisya sa Camp Gov. Antonio U. Sison, umabot sa 42 katao ang naaresto sa 38 operasyon kontra ilegal na droga. Nasamsam sa mga ito ang tinatayang 115.09 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱783,936.80.
Samantala, 27 indibidwal naman ang nadakip sa pitong operasyon laban sa ilegal na pagsusugal. Sa pinaigting na manhunt operations, naaresto rin ang pitong most wanted persons at 41 iba pang wanted na indibidwal sa lalawigan.
Hindi rin nagpahuli ang kampanya laban sa mga loose firearms kung saan 15 operasyon ang isinagawa, nagresulta sa pagkakaaresto ng pitong katao at pagkakasamsam ng 11 baril.
Ayon kay Police Colonel Arbel C. Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan PPO, patuloy ang kanilang matatag at walang humpay na pagpapatupad ng batas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sa ilalim ng prinsipyong Action, Commitment, Merit, tiniyak ng Pangasinan PPO ang patuloy na pagbibigay ng mabilis, maaasahan, at makataong serbisyo sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










