Pinaglalatag ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang Food and Drug Administration (FDA) ng polisya na mag-oobliga sa lahat ng pharmaceutical companies o “big pharma” na ilagay ang “adverse side effects” sa label at packaging ng kanilang mga gamot.
Bukod dito ay babalangkas din si Barbers ng panukalang batas na mag-aatas sa FDA na utusan ang mga big pharma na ipatupad ang side effects label warning sa mga gamot na tutukuyin ng mga drug experts, doktor at mga mambabatas.
Tugon ito ni Barbers sa mga natatanggap niyang ulat na may mga taong matagal nang gumagamit ng gamot para sa high blood pressure o diabetes ang nagkakaroon umano ng problema sa atay o sa kidney, at ang iba ay nagda-dialysis na.
Binanggit ni Barbers na karamihan sa mga Filipino ngayon ay takot o ayaw magpunta sa doktor upang magpa-checkup at magpa-reseta dahil mahal ang bayad kaya ginagaya na lang nila ang gamot ng iba tulad ng gamot sa high blood at diabetes.
Ayon kay Barbers, nagiging ugat ito ng problema sa kalusugan dahil walang nagsasabi o nagpapaliwanag ng mga posibleng adverse side effects ng gamot na kanilang iniinom na karamihan ay maintenance drugs para sa high blood o diabetes.