Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakalabas na ng Philippine Airport and Ground Services Inc., (PAGS) air cargo ang mga labi ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na biktima ng sunog sa isang residential area sa Kuwait.
Ibiniyahe na patungo sa kani-kanilang mga tahanan ang pamilya at ang mismong cadaver box na pinaglalagyan ng kanilang mga labi.
Ayon kay OWWA Administrator Arnel Ignacio ay sasagutin ng ahensiya ang lahat ng pangangailangan ng pamilya katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Maging ang ilang mambabatas din ay nagpaabot ng tulong mula kay Speaker Martin Romualdez at Senator Raffy Tulfo.
Dagdag pa ni Ignacio, may kaakibat din itong scholarship sa mga anak na naiwan ng mga naturang OFWs upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral hanggang sa makatapos ng kolehiyo.