LABI NG BABAENG NPA NA NASAWI SA ENGKWENTRO, NAIHATID NA SA KANYANG PAMILYA

CAUAYAN CITY – Emosyonal ang pamilya ng babaeng NPA na nasawi sa naganap na engkwentro kamakailan sa Probinsya ng Cagayan nang maipasakamay sa kanila ang labi ng kanilang kaanak.

Ang nasawing miyembro ng makakaliwang grupo ay nakilalang si Danielle Pelagio, kilala din bilang si Ka Isla.

Magugunita na isa sa mga nasawi si Pelagio kung saan sa halip na tulungan ng kanyang mga kasama ay inabandona na lamang nila ito.


Sa naging panayam ng CPIO-Teleradyo sa kapatid nito, napag-alaman na nagtapos sa kursong Bachelor of Theater Arts si Pelagio sa Unibersidad ng Baguio.

Ang paalam pa nito sa kanyang pamilya ay kukuha ito ng Masteral Degree subalit mula taong 2020 ay hindi na ito nagpakita pa.

Nalaman na lamang ng pamilya na kasali na ito sa isang kilusan at isa nang rebelde na nakabase sa Gonzaga, Cagayan.

Sinubukan pa aniya nilang pilitin na bumaba na ito ng bundok subalit wala na silang natanggap na tugon.

Sa pinakamalungkot na pangyayari, makalipas ang ilang taon na pangungulila, isang malamig na bangkay na pala nila ito muling makikita.

Facebook Comments