Labi ng estudyante na namatay umano sa sampal ng guro, isasailalim sa otopsiya sa PNP Crime Lab

Nakatakdang isailalim sa otopsiya ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory ang labi ng grade 5 student na nasawi umano sa sampal ng guro sa Antipolo City.

 

Sa impormasyon na ibinigay ni Antipolo City Police Chief Lieutenant Colonel Ryan Manongdo sa Kampo Krame, dumating na ang mga labi ng 14 na taong gulang na biktima na si Francis Jay Gumikib sa PNP Crime lab.

 

Ayon kay Manongdo, hihintayin muna nila ang resulta ng otopsiya upang mabatid kung ano talaga ang ikinamatay ni Gumikib.


 

Pero base sa inilabas na death certificate nito, global brain edema o head trauma ang kanyang cause of death.

 

Ayon sa nanay ng biktima, dumaing nang pananakit sa tenga at pagkahilo ang kanyang anak makaraan umanong sampalin ng kanyang guro.

 

Kasunod nito, posibleng maharap sa homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang guro ng biktima.

Facebook Comments