Isasailaim ngayong araw sa autopsy ang labi ng grade 5 student na nasawi umano dahil sa sampal ng guro sa Antipolo City para malaman ang tunay na ikinamatay at magamit para sa pagsasampa ng kaso.
Ayon kay P/EMSgt. Divina Rafael, Chief ng Women’s and Childrens Desk Section, hindi natuloy ang sana’y autopsy kagabi dahil sa kakulangan ng death certificate.
Kaya’t ngayong araw, nakatakdang bumalik sa Amang Rodriguez Hospital ang pamilya Gumikib para sa death certificate.
Pagkatapos nito, dadalhin na sa Camp Crame ang labi ng 14 anyos na lalaki para doon i-autopsy.
Nabatid na Homicide at paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law ang posibleng kaharapin ng guro.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Antipolo-Police sa kaso, gayundin ng Department of Education.
Samantala, sinabi ni Rafael na kaya nailipat dito sa Heaven’s Gate Funeral ang labi ng bata ay dahil sa pagtutulungan ng barangay at ng lokal na pamahalaan ng Antipolo ang mga gastusin
Nagrereklamo kasi ang pamilya sa mataas na singil sa San Pedro Calunsgod Funeraria.