Sinunog ang bangkay ng nasawing New People’s Army (NPA) leader na si Jorge “Ka Oris” Madlos batay na rin sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) matapos itong magpositibo sa COVID-19.
Kinumpirma ito ni 4th Infantry Division Commander Major General Romeo Brawner Jr.
Ayon kay Brawner, isinagawa ang RT-PCR test bago inalis sa encounter site ang mga labi ni Ka Oris at Eighfel dela Peña alias Pika/Maui na kapwa namatay nitong Sabado sa engkwentro sa Impasugong, Bukidnon.
Sinabi ni Brawner, parte ito ng standard operating procedure sa mga rebelde na nasasawi, nahuhuli o sumusuko para maiwasan ang pagkahawa ng tropa ng militar sa COVID-19.
Nang lumabas aniya ang positibong resulta mula sa Philippine National Red Cross, inilipat ng militar sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Local Government Unit (LGU) ng Impasugong ang mga labi ni Ka Oris at Dela Peña.
Sila ang nagpa-cremate sa mga labi nitong Martes ng gabi batay sa desisyon ng IATF at alinsunod sa umiiral na COVID protocols.