Kinuhanan muna ng swab test ang labi ni Rolando Dela Cruz bago ito maiuwi ng kanyang pamilya sa kanilang tahanan sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon sa pamunuan ng East Avenue Medical Center, layon nito na matiyak ang kaligtasan ng mga kaanak nito.
Dagdag pa ng pamunuan ng ospital, protocol ang pagkuha ng swab test sa isang namatay para malaman kung positibo o negatibo ba ito sa COVID virus.
Ito rin ang gagamitin ng ospital na dahilan para magsagawa ng contact tracing sakaling kontaminado ng virus ang biktima.
Ang 67-anyos na si Rolando ay binawian ng buhay matapos itong mawalan ng malay habang pumipila sa birthday community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Brgy. Holy Spirit.
Inako na ng aktres ang responsibilidad sa pangyayari at nangakong makikipag-tulungan sa pamilya para sa anumang pangangailangan.