Labi ng OFW sa Saudi na nasawi sa COVID-19, hiniling ng misis na maiuwi sa bansa

Hinihiling ng maybahay ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa gobyerno na maiuwi sana ang bangkay ng mister na pumanaw sa Saudi Arabia dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa ulat ng “24 Oras,” nagkaroon ng pneumonia ang 55 taong gulang na OFW na si Ruperto Llorando at kalaunan ay nasawi makaraang magpositibo sa virus.

Nakatakda na sana itong bumalik ng Pilipinas sa susunod na taon, makalipas ang mahigit isang dekadang pagtratrabaho roon bilang engineer at supervisor.


Ayon sa misis ng yumaong OFW, gusto nilang makuha ang labi nito para madalaw man lang kahit sa sementeryo.

“Kung cremated at least meron kaming makikita na ‘yun ‘yung asawa ko,” saad ng misis sa naturang panayam.

Nitong Linggo, inanunsyo ng Palasyo na doon ililibing ang mga Pinoy na nasawi sa COVID-19. Paliwanag ng InterAgency Task Force (IATF), baka raw magkaroon ng “danger of transmission” kapag binalik pa rito ang mga naturang bangkay.

Hindi rin pinapahintulatan sa Saudi Arabia ang cremation kaya agad inililibing doon ang mga namatay sa kinatatakutang sakit.

Ang mga binawian ng buhay dulot ng iba’t-ibang karamdaman at pagiging biktima ang tanging maibabalik ng Pilipinas.

Kasunod nito, nagbigay naman ng palugid ang Saudi government para maiuwi rito ang natitirang bangkay na nananatili roon.

Facebook Comments