Labi ng Overseas Filipino Worker sa Dubai na nasawi sa cardiac arrest, naiuwi na sa bansa

Dumating na sa bansa ang mga labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Dubai na nasawi dahil sa cardiac arrest noong Hunyo 9.

Ito ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross sa pangunguna ni PRC Chairman at Senator Richard Gordon at ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Naging kumplikado ang pagpapauwi sa labi ni Marilyn Narsagaray de Vera na isang domestic helper dahil sa kaniyang employment status at COVID-19 pandemic.


Ayon sa pinsan ni de Vera na si Emily Bermudez Gundran, nagpapasalamat siya sa tulong ng Red Cross dahil magkakaroon na sila ng pagkakataon na mapaglamayan kahit saglit ang kanilang kaanak bago ito ihatid sa huling hantungan.

Para kay Senator Gordon, malaking bagay na ang maiuwi ang mga labi ni de Vera lalo na’t masakit para sa kaniyang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay.

Bukod sa repatriation assistance, nagbigay din ng psychosocial support ang welfare service team ng PRC sa pangunguna ni Dr. Zenaida Beltejar.

Sa ngayon, nasa kanilang tahanan na sa Baguio City ang mga labi ni de Vera.

Facebook Comments