Labi ng pinatay na OFW sa Cyprus at isinilid sa maleta, iuuwi na

Courtesy: Washington Post

Iuuwi na sa bansa ang labi ng isang Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na kabilang sa mga biktima ng umanong serial killer sa Cyprus.

Base sa DNA test, nakumpirma na ang natagpuang bangkay sa loob ng suitcase na narekober sa man-made Red Lake sa Mitsero ay kay Maricar Valdez na tubong Sta. Cruz, Ilocos Sur.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo kay Gabur Norte, Sta. Cruz Barangay Chairman Edgardo Jaduca, isang kamag-anak ni Valdez ang nakapagsabing bigla na lang daw nawala ang biktima matapos itong magpaalam na pupunta sa kaibigan.


Pinaniniwalaan ng otoridad sa Cyprus na ang Pinay domestic helper ang ika-anim na biktima ng hinihinalang serial killer sa bansa.

Lima sa mga biktima ay natagpuan ding nakasilid sa maleta na narekober sa parehong lawa.

Inaayos na umano ng ina ni Valdez ang mga kakailanganing dokumento para maiuwi sa probinsya ang labi ng anak at mabigyan ng disenteng burol at libing.

Kamakailan lang, nagbitiw ang justice minister ng Cyprus kaugnay ng mga patayang hindi nagawang imbestigahan.

Facebook Comments