Isasailalim ng National Bureau of Investigation (NBI) sa re-autopsy ang labi ng Filipino receptionist sa Abu Dhabi, UAE na pinatay ng isang Ugandan.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, mismong ang pamilya ng biktima ang humiling na isailalim ito sa autopsy at sa DNA test para malaman kung ano talaga ang ikinamatay ng Overseas Filipino Worker (OFW).
Kinumpirma rin ni Bello na nakakulong na ang Ugandan suspect at patuloy pa nilang hinahabol ang dalawang kasabwat nito sa krimen.
Inamin mismo ng suspek na sinaksak niya ang biktima sa leeg gamit ang isang patalim.
Si Mary Anne Daynolo ay noon pang March 4, 2020 missing o nawawala at nitong January 2021 lamang natagpuan kaya nasa stage of decomposition na ang labi nito.
Siya ay nagtatrabaho bilang receptionist sa St. Regis Saadiyat Island Resort sa Abu Dhabi.
Hindi pa malaman kung nagkaroon ng relasyon ang biktima at ang suspek.
Una rito, nag-report sa local police at sa Philippine Embassy ang kapatid ni Daynolo na nagtatrabaho rin sa UAE.
Nitong Sabado ay dumating na sa bansa ang labi ni Daynolo.