Cauayan City, Isabela- Nagdesisyon ang maybahay ng pumanaw na dating Mayor at kasalukuyang Sangguniang Bayan Member Edgar Guyud ng San Guillermo, Isabela na agad itong ilibing kahit wala pa ang resulta ng kaniyang swab test.
Ito ang sinabi ni SB Member Emmanuel Guyud na kapatid ng yumaong dating alkalde sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ayon kay SB Guyud, inilibing din kahapon, April 12, 2021 sa kanilang Farm ang labi ng kanyang kapatid matapos itong bawian ng buhay nang isugod din kahapon sa isang ospital sa Santiago City matapos makaranas ng kahirapan sa paghinga.
Nagsabi naman aniya ang Duktor ng ospital na hintayin muna ang resulta ng kanyang swabtest bago nila ito ilibing subalit napagkasunduan na umano ng pamilya na ihatid na ito sa kanyang huling hantungan.
Tanggap na rin umano ng pamilya ang pagkamatay ng dating alkalde dahil na rin sa mga hirap at sakit na pinagdaanan nito.
Ibinahagi pa ni SB Guyud na nakaranas ng pananakit sa paa ang kanyang Kuya noong April 4,2021 kaya’t nanatili na lamang ito sa kanilang bahay.
Ayon pa sa kaniya, dumaan sa major operation sa puso ang kanyang Kuya noong 2016 at makalipas ang dalawang (2) taon ay sumailalim naman ito sa dialysis at kidney transplant.
Taong 1992 nang magsimulang pumasok sa politika at magsilbi sa mamamayan ng San Guillermo si Edgar Guyod.