Labi ng seafarer na nasawi dahil sa pag-atake ng Houthi sa Gulf of Aden, naiuwi na sa bansa

COURTESY: Department of Migrant Workers

Naiuwi na sa bansa ang labi ng seafarer na nasawi dahil sa pag-atake ng rebeldeng Houthi sa Gulf of Aden noong Setyembre 29.

Sinalubong at tinanggap ng kaniyang pamilya kasama ang ilang mga kinatawan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang lisensyadong manning agency na nagpadala sa kaniya sa barko ang katawan nito.

Ayon sa paunang impormasyon, dadalhin muna ito sa probinsya ng Iligan na bayan ng kaniyang asawa bago dalhin sa Zamboanga del Sur kung nasaan naman ang magulang nito at iba pang kaanak.

Samantala, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Migrant Workers Department kung may pananagutan ba ang manning agency at ang foreign principal para patawan ito ng parusa kung mapatunayan mang lumabag ito sa umiiral na patakaran ng ahensiya.

Lubos na nakikiramay amg DMW sa pamilya ng marino at tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta.

Matatandaang ligtas na naiuwi sa bansa ang 10 pang tripulanteng Pinoy noong October 4 habang ang isang nasugatan naman ay nakabalik nitong October 10 at kasalukuyang nagpapagaling.

Facebook Comments