Labi ni dating Mayor Antonio Sanchez, itinurn-over na sa pamilya – BuCor

Nai-turn-over na sa pamilya ang labi ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Si Sanchez ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang piitan sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa noong March 27.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director Gabriel Chaclag, hindi pa isinasailalim sa autopsy ang labi ng alkalde.


Pero dumaan sa post-mortem testing si Sanchez para malaman kung mayroon siyang COVID-19 infection.

Sakaling magnegatibo sa test, ang National Bureau of Investigation (NBI) ang magsasagawa ng awtopsiya.

Kung magpositibo ay agad na ike-cremate ang mga labi ng alkalde.

Matatandaang convicted si Sanchez sa pitong bilang ng kasong rape with homicide kaugnay sa pagkakamatay ng mga estudyante ng University of the Philippines (UP) Los Baños na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Bukod dito, convicted din si Sanchez sa dalawang bilang ng kaso ng murder dahil sa pagpatay kina Nelson Penalosa at anak nitong si Rickson noong 1991.

Facebook Comments