Isinulong ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang 15 mga panukalang batas kung saan nakapaloob na gawing national roads ang 15 provincial, municipal at city roads.
Layunin ng hakbang ni Hataman na matiyak ang pagmimintina at pagsasaayos ng nabanggit na mga lansangan na matatagpuan sa mga munisipyo ng Lantawan, Lamitan City, Isabela City, Maluso, Tuburan, Sumisip at Tipo-Tipo.
Diin ni Hataman, napakahalaga na maisaayos ang naturang mga lansangan kung saan idinadaan ang mga produktong agrikultura at ang mga ani sa karagatan papunta sa mga palengke.
Dagdag pa ni Hataman, ginagamit din ang naturang mga daanan ng mga lokal at dayuhang turista.
Binanggit pa ni Hataman na nagsisimula pa lamang bumangon ang Basilan mula sa matagal na panahon ng digmaan at karahasan kaya napakahalaga ng pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga lansangan.
Ito ay para matuloy-tuloy ang daloy ng komersyo at turismo na nagbibigay kabuhayan sa mga Basileno.