Labis na pagtaas ng parking fee sa NAIA, binatikos ng isang kongresista

Binatikos ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas ang napalaking pagtaas sa parking fee ng Terminals 1, 2, and 3 ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Dismayado si Brosas na kaka-take over pa lang ng San Miguel Corporation (SMC) sa operasyon ng NAIA at wala pa itong pagbabagong nagaganap pero nauna nang lumipad ang singil sa mga pasahero.

Mula sa dating 300 pesos ay tumaas sa 1,200 pesos ang overnight parking ng mga sasakyan sa NAIA at 480 pesos naman sa motorsiklo.


50 pesos naman ang bayad sa unang dalawang oras na parking ng mga sasakyan at dagdag na 25 pesos sa kada oras.

Ayon kay Brosas, kawawa ang mga empleyado sa NAIA na aabot sa 225 pesos ang bayad para sa walong oras kada araw na trabaho at napakabigat din para sa mga pasaherong magbabakasyon ng ilang araw ang magdamagang singil sa parking.

Paalala ni Brosas ang NAIA ay isang public infrastructure na layuning magsilbi sa publiko at hindi para gawing gatasan ng mga negosyante.

Bunsod nito ay plano ng Makabayan Bloc na maghain ng resolusyon na magsusulong ng imbestigasyon sa pagsasapribado ng NAIA kaakibat ang pagpapatupad ng hindi makataong mga patakaran.

Facebook Comments