Labor attaché sa Taiwan na nagpapa-deport sa OFW na kritiko ng Pangulo, pinapasibak ng isang senador

Hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na agad sibakin ang ating labor attaché sa Taiwan na si Fidel Macauyag.

Ang hiling ni Drilon, ito ay kasunod ng request ni Macauyag sa Taiwan Government na ipa-deport ang isang Filipina caregiver doon na palaging bumabatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng social media.

Giit ni Drilon, na dati ring Labor secretary, ang hakbang ni Macauyag ay patunay na ito ay hindi akma at hindi kwalipikado sa kanyang posisyon at ang ginawa nito ay nagpapakita ng kamangmangan, pagiging istupido at kahihiyan sa ating pamahalaan.


Diin ni Drilon, ang aksyon ni Macauyag ay taliwas sa mandato nito na isulong at protektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa Taiwan.

Kaugnay nito, ay maghahain din si Drilon ng resolusyon para maimbestigahan ng Senado ang insidente sa layuning mapalakas ang pagbibigay proteksyon sa milyun-milyong mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Facebook Comments