Ipinalilinaw ng isang labor group sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung ano ang plano nitong gawin sa hindi nagamit na pondo para sa cash aid program nito sa ilalim ng Bayanihan Act.
Ibinisto kasi ng Department of Budget and Management (DBM) na mayroong P13 billion na hindi nagagalaw ang DOLE.
Ginawa ng Nagkaisa Labor Coalition ang panawagan sa gitna ng kakarampot na one-time payout sa mga Enhanced Community Quarantine (ECQ) areas.
Ayon kay Nagkaisa Chair Sonny Matula, dapat magpaliwanag ang DOLE kung bakit inipit ang pondo gayong maraming manggagawa ang nakukulangan sa ayuda sa gitna ng pandemya.
Nauna rito, humirit ang DOLE P2-B additional funds para sa mga manggagawa na apektado ng pangatlong lockdown.
Pero, sagot ng DBM ay bago humingi ng dagdag na pondo ang DOLE, gamitin muna nito ang ‘di nagagalaw na P13-B.