Nananatiling masigla ang labor market sa bansa sa kabila ng epekto ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ito ay kasunod na rin ng pagbaba ng unemployment rate sa 4.5% nitong Oktubre.
Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, nakatulong dito ang muling pagbubukas ng 100% face-to-face classes at panunumbalik sa full capacity ng iba’t ibang sektor upang mabawi ang nawalang kita noong kasagsagan ng pandemya.
Tumaas din ang labor force participation rate sa 64.2% nitong Oktubre, kumpara sa 62.6% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na katumbas ng karagdagang dalawang milyong indibidwal na nagkaroon ng trabaho.
Samantala, tiniyak naman ng NEDA na magpapatupad ang pamahalaan ng mga emergency employment program upang matugunan ang kakulangan ng trabaho sa bansa.