Nagsasagawa ng pagpupulong ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang labor unions at management associations upang talakayin ang usapin hinggil sa pamamahagi ng 13th month pay ng mga manggagawa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, alinsunod sa Presidential Decree (PD) 851 ay obligado talagang magbigay ang mga kompanya ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa on or before December 24.
Pero gayunman, ipinunto ni Bello na mayroon ding nakasaad sa PD 851 na nagsasabing exempted sa pagbibigay ng 13th month pay ang mga kompanyang in distress na pasok sa sitwasyon ngayon dahil lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Kasunod nito, asahan na ayon sa kalihim na matapos ang kanilang pagpupulong sa 20 labor unions at 20 management associations ay magkakaroon sila ng consensus kung alin-aling mga kompanya ang maituturing na in distress.
Una nang sinabi ni Bello na maaaring i-defer o ipagpaliban ang pamamahagi ng 13th month pay ng mga manggawa mula sa mga distressed na kompanya.