Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang isang accredited testing facility na naniningil ng COVID-19 test na lagpas sa price range.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang testing facility ay hindi sumusunod sa price ceiling na itinakda ng kagawaran para sa RT-PCR.
Hihingan nila ng paliwanag ang nasabing laboratoryo at dito ay titimbangin nila kung papatawan o hindi ng parusa ang testing facility.
Hindi tinukoy ni Vergeire kung anong laboratoryo ang lumalabag sa price limit.
Ang Health Facility and Services Regulatory Bureau ay patuloy na magbabantay sa iba pang COVID-19 testing laboratories.
Sinabi ni Vergeire na maglalabas sila ng panibagong kautusan para matiyak na mayroong transparency sa pricing ng swab tests sa mga ospital at iba pang health facilities.
Sa ilalim ng Joint Administative Order, inaatasan ng DOH at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga pribadong laboratoryo na maningil ng RT-PCR test mula ₱4,500 hanggang ₱5,000 habang ₱3,800 sa public facilities.