
Nakahanda si Senate President pro-tempore Ping Lacson na payuhan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung papaanong haharapin ang kaso sakaling may arrest warrant ang senador mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Lacson, bilang dating magkasama at comrade sa Philippine National Police (PNP) kaya niya bibigyan ng payo si Dela Rosa.
Sinabi ng senador na kabilang sa mga payong ibibigay niya kay Dela Rosa ay ang kanyang naging personal na karanasan sa Dacer-Corbito Case noong November, 2000.
Gusto niyang ibahagi kay Dela Rosa kung ano ang mga hakbang na pwedeng gawin o paano harapin ang kaso na salig pa rin sa batas at rule ng international tribunal.
Batid ni Lacson na kumplikado ang kaso ni Dela Rosa na nahaharap sa ICC dahil hindi ka makakapaghain ng pleadings na maaaring magpa-dismiss sa kaso tulad sa kanya.
Pabiro namang sinabi ni Lacson na kung magdesisyon si Dela Rosa na magtatago ay tuturuan niya ito kung paanong magtago sabay bawi na “joke lang” ito.









