
Mabilis na tinabla ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson ang pahayag ni Senator Imee Marcos na ang “very important witness” na haharap sa pagdinig ng komite tungkol sa maanomalyang flood control projects ay si dating Congressman Zaldy Co.
Naunang sinabi ni Sen. Imee na batay sa kanyang nasagap na impormasyon, si Co ang tinutukoy na very important witness na haharap bukas sa pagdinig via zoom tungkol sa mga ghost flood control projects.
Pero ayon kay Lacson, hindi niya itinuloy ang inisyal na plano na imbitahan si Co sa pagdinig sa pamamagitan ng Zoom.
Napag-isipan ni Lacson na maaari pang magsilbing platform ang pagdinig para sabihin ng dating kongresista ang mga gustong sabihin nang walang probative value o hindi man lang masusubok ng mga senador.
Pinakamalala aniya ay maaari pa itong magamit ni Co sa propaganda na hindi man lang mapapanagot o kahit ma-cite for contempt ng komite.
Kung matatandaan, naunang sinabi ni Lacson na pinagiisipan nilang payagan si Co na humarap sa pagdinig via Zoom pero dapat ito ay gagawin ng kongresista sa loob ng embahada ng Pilipinas kung saan mang bansa siya naroon para maging valid ang salaysay at kung sakaling hindi magawa sa embahada ay maaaring ipa-affirm sa konsulado ng bansa ang kanyang testimonya.









